ANG TUGMANG PAMBATA
Sinasabing ito ang pinagmulan o pinag-ugatan ng tula. Ang mga salitang tila larong- bibig na pangkasanayan ng mga bata sa pagsasalita. Maririkit ang pananalitang ginagamit sa payak nitong kaanyuang sukat at tugma. Lamang,tila ba gahol ito sa kahulugan. Walang talinghaga. Lamang, basta bukambibig magpahanggang ngayon. Kung hindi naman nagtataglay rin ng kahulugan kaya lang mababaw. Maririnig natin ito kapag ang isang ina ay naaaliw sa kanyang paslit at palagian sa mga batang naglalaro sa bakuran o sa daan.
Layunin marahil sa bagay na ito ang mga sumusunod;pampatuwid ng dila nang ang bata ay di-mautal pag nagsasalita; panudyo ng mga nagkakapikunang bata sa laro; pang-alo sa nagmamaktol na paslit; at kung ano-ano pa.
Ang mga tugmang walang diwa o tugmang pambatang ay tinatawag ding kasabihan, sa Ingles o Mother Goose Rhyme. Kaya huwag nating itong ipagkamali sa sawikain, salawikain o sabi- sabi, dahil iba naman ang ipinakakakahulugan ng mga ito.
1. Ang munting si Inday, nakapangalumbaba sa baybay
tindig ka’t magpapilay pilay
lingon sa kaliwa,lingon sa kanan
ituro ang iyong nagustuhan.
2. Pagputok ng bulkan
mata mo natalsikan
ang tingga na asul
sa mata mo bumukol.
3. Huwag kang sinungaling, mata mo may puwing.
4. Tatlong pato ang nakita ko
mataba, payat, isa, dalawa,tatlo,
Ang isang pato nabalian ng pakpak
siya ay lumangoy at pumalag- palag.
5. Pumunta ako sa Cebu, may nakita akong kalbo.
Tongtong kalbo
may ngipin sa ulo.
6. Bata... Batuta!
daming muta.
7. Tengang kalabaw, dinapuan ng langaw
guston ninyong dinggin, aking kukulitin.
8. Bata'y nasungabang; mukha ay nagasgas
nasaktan man siya ay di umiiyak
nararamdaman man ang hapdi di antak
Tindig! at tuloy rin sa larong paglundag.
9. Halina.... halina't tayo ay maglaro
ng lobo-lobohang sabong kumukulo
sa tubig naman pala ay nakabubuo
ng lobo sa sabong binula sa tabo.
10. Tabi....Tabi
tabi.. makikiraan
mga bulag kami
Huwag kayong lalapit,
baka kayo ay maipit.