Isa sa mga tanyag na lathala ng akdang pampanitikan ay ang Epiko. Si E.Arsenio Manuel, ay kilalang "anthropologist" na s'ya ang nagpakilala ng mga akda na may sukat, base sa tradisyon, na umiikot sa mga pangyayaring hindi na tunay na nangyayari, ang iba ay gawa ng mga bayani, sa porma ng salita na ang iba ay pakanta na may layunin at tumutukoy sa mga paniniwala, kultura, tradisyon at ugali ng mga tao.
Sa isang pagtitipon upang ipagdiwang ang magandang ani o tagumpay ng isang tribo, o kaya ay seremonyas ng namatay na pinuno, Sila ay talagang iginagalang ng mga tagapakinig na nasusumpungan sa kanila ang kahalagahan ng pagpapalakas ng isang tribo at pagkakaisa.
TUWAANG
Ito ay epiko ng mga Manobong nakatira sa Timog Mindanao. Si Tuwaang ang bayani ng Kuaman. Siya ay laging makikitang nakaupo sa isang uri ng banig, at suot ang "tikos" at "sinikoleya". Ang tikos ay isang uri ng palamuti at ang sinikoleya ay isang singsing.
Isang araw ay nagpaalam siya sa kaniyang kapatid na babae. Ipinatawag daw siya ng hari ng Batooy dahil may babaeng dumating na balot ng kadiliman. Ayaw magsalita ng babae.
Ayaw man siyang payagan ng kapatid na babae ay umalis din siya. Dinala niya ang sandata ng pakikidigma. Ang sinakyan niya ay kidlat. Dinaanan muna niya bago siya umalis si Binata Pangrukad at sabay silang nagtungo sa kaharian ng Batooy.
Nang sila ay dumating sa kaharian ng Batooy ay labis na hinangaan ang kakisigan ni Tuwaang. Lahat halos ay napatingin sa kaniya lalo na ang mga kababaihan. Sa wakas ay nakausap ni Tuwaang ang Diwata ng Kadiliman na humanga rin sa kanya. Ipinagtapat kay Tuwaang ang dahilan ng kanyang pagpunta sa kaharian ng Batooy. Sinabi rin ng Diwata na handa siyang sumama kay Tuwaang kahit saan ito magtungo.
Sa ganitong pagkakataon ay dumating ang binatang galing sa Pagumanon at hinamon si Tuwaang. Malakas at matapang si Tuwaang kaya't agad niyang nagapi ang kalaban. Isinama siya ng diwata sa kabilang kaharian.
Maligaya na sana siya sa pagkakabihag ng puso ng Diwata, ngunit pagdating nila sa kaharian ay may isang binata na namang nais makipagtunggali sa kaniya. Tinanggap niya ang hamon at sila ay naglaban. Nagtagumpay na muli si Tuwaang.
Upang hindi na sila gambalain pa ng kaaway ay ipinasiya ni Tuwaang na lisanin na ang kanilang kaharian. Isinakay niya ang Diwata sa kaniyang balikat at ang tauhan naman niya ay isinama at nagtungo sila sa ibang lupaing maligaya at walang kamatayan.